Taal volcano evacuees, hinihintay pa ang tulong mula gobyerno

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2020 11:00 PM

BATANGAS CITY - Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ceremonial giving ng mga food packs at cash assistance sa mga evacuees sa Batangas City Sports Complex Martes ng gabi.

Nasa 3,500 na indibidwal ang kasalukuyang nasa sports complex at sa ngayon ay hind pa naipapamigay ang mga naturang food packs mula sa Department of Social Welfare ang Development.

Bahagya namang nagkaroon ng kalituhan dahil ayon sa ilang evacuees, pinapirma na sila kaninang umaga na natanggap na raw umano nila ang cash assistance at food packs.

Sa ngayon hinihintay pa ng mga evacuees ang trak na maghahatid ng naturang food packs pero ayon sa isang namamahala ng pamamahagi, hindi pa raw maibibigay ang cash assistance na P3,000 para sa lahat mga pamilyang nasa sports complex.

Nilinaw ng DSWD na nasa 20 lamang ang bibigyan ng cash assistance ngayong gabi, habang sa Huwebes maipapamigay ang sunod na batch.

Kabilang sa mga requirements sa pagkuha ng cash assistance ang registration form, valid IDs at interview para sa assesment.

Nitong Martes rin ginanap ang ceremonial turn over ng P30 milyon mula sa Department of Agriculture sa pangunguna ni Sec. William Dar.

Itinurn over na rin sa lalawigan ng Batangas ang P7.5 milyon na pondo para sa magsasaka at ang P3.5 milyong halaga ng livelihood program para sa mga mangingisda.

Sa talumpati ng pangulo, ibinahagi niyang nasa P130 milyon ang ibinigay na ayuda sa pamahalaang panlalawigan ng Batangas.